1. Home
  2. Lipunan
  3. Imigrasyon

Sinimulan kong ipakita ang kulturang Pilipino para bigyan ako ng lakas sa city hall

Bilang Pilipina sa pulitika, nadiskubre ni Rajah Maggay na mataas ang kanyang tindig kapag nakasuot ng terno

Babae na nakasuot ng terno.

Nang isuot niya ang kanyang terno sa trabaho, sinigurado ni Rajah Maggay na magpapakuha siya ng litrato para maalala ang sandaling iyon.

Litrato: Rajah Maggay

RCI

Ang pagtuklas sa pagkakakilanlan bilang imigrante na mula sa pangalawang henerasyon ay parang pagbabalanse sa makitid na linya sa pagitan ng dalawang mundong magkaiba ang kultura. Para sa akin, habang lumalaki, ang Pilipino kong identity ay nakakulong sa pader ng aking tahanan. Isipin mo ang pagsirit at pagkulo ng mabango't maasim-asim na pagkain, ang mishmash ng trinkets at furniture na natatakpan ng plastic at ang mga tunog ng Tagalog love ballads. Iyon ang aking tahanan.

Ngunit sa labas ng bula na ito ay ang dayuhang konsepto ng pagiging Canadian. Ito ba ang pagkatuto ng wikang Ingles at Pranses imbes na Tagalog noong bata ka pa? Ito ba ang pagsunod sa Western standards ng kagandahan? Para sa akin, ito nga iyon. Naramdaman ko na disconnected ako mula sa aking Filipino identity kapag nakikisalamuha sa mga tao na labas sa aking komunidad, lalo na kapag iniisip ng karamihan na hindi ako Pilipino dahil sa pangalan na Rajah.

Pero hindi ka mukhang Pilipino.

Alam ko pero isa ako roon.

Hindi ko naisip na Pilipino ka.

Alam ko pero isa ako roon.

Nagsasalita ka ba ng Tagalog?

Hindi. Hindi ako nagsasalita nun…

Ako ay 19 taong gulang nang magsimulang magtrabaho sa Edmonton city hall bilang research at policy advisor ng isang lokal na konsehal.

Ang mga racialized na kababaihan ay nasa sentro ng pagtaas ng political mobilization (bagong window) ngunit sa aking lungsod, hindi pa kami nakakita ng isang racialized na kababaihan na nahalal bilang city councilor (bagong window) at ang aming visibility sa senior leadership roles ay maliit lamang baka nga wala pa.

Binati ako ng aking pamilya dahil sa aking narating ngunit sinabi ng isa sa aking mga tita na ang ibang mga Pilipino na nagtatrabaho sa city hall malamang ay mga custodian. Hindi ko alam kung paano ako magre-react doon. Alam ko na hindi ibig sabihin noon ay mas magaling ako kaysa sa aking mga kababayan, masuwerte lang ako.

Ang terno ko, ang pag-ibig ko

Sa pulitika, mahirap na hindi bumigat ang loob dahil sa mga balita at sa hindi pag-usad ng pagbabago.

Noong Hulyo, naranasan ko ang panahon na iyon. Magpapasiya ang city council kung ano ang ipapataw na hatol sa isang reklamo ukol sa code of conduct. Kung ang miyembro ay may pananagutan dahil nilabag niya ang code of conduct na napagpasiyahan na ng ethics commissioner. Alam ko na ang araw na iyon ay magiging mahirap dahil sa maraming dahilan, ngunit higit sa lahat babaguhin nito ang aking pananampalataya sa lungsod tungkol sa pag-ako ng pananagutan.

Sa puntong ito, nagtatrabaho na ako ng higit isang taon at nauunawaan ang kahalagahan ng visibility, lalo na ng pagiging Pilipina sa pulitika. Napagtanto ko na hindi lang ako narito dahil sa suwerte ngunit dahil ako ay karapat-dapat. Lahat ng racialized na mga kababaihan sa kanilang mga karera ay karapat-dapat sa posisyon nila. Deserve nila na magkaroon ng lugar. Deserve nila na humawak ng kapangyarihan.

Kaya noong araw na iyon noong Hulyo, nagpasiya ako na magsuot ng terno.

Ang terno ay inimbento noong panahon ng mga Kastila sa Pilipinas. Noong 1910s hanggang 1930s sa ilalim ng pamumuno ng Estados Unidos (bagong window), ang terno na may manggas na parang paruparo ay naging simbolo ng pagtanggi sa kolonisasyon ng Amerika at pinahintulutan nito ang mga Pilipinong kababaihan na tukuyin ang kahulugan ng pagiging modernong babae sa sarili nilang paraan.

Sa kabila ng pagharap sa isa sa mga pinakamahirap na araw sa city hall, tumindig ako na suot ang terno. Itinaas ako ng matigas na mga manggas at tila prinotektahan mula sa anumang bagay na darating. Habang naglalakad sa downtown Edmonton, naririnig ko ang mga salitang ito sa aking isipan, Iyan ang Pilipina na may misyon. Umasa ako na sinumang tao na mababaling ang tingin sa akin noong araw na iyon ay makikita kung ano ako at ang aking terno bilang simbolo ng pagtanggap ng kanilang pagkakakilanlan sa lugar na ito.

Si Rajah Maggay ay vice chair ng pagsasaliksik para sa ParityYEG. Nagtatrabaho siya bilang research at policy advisor para sa isang lokal na konsehal sa Edmonton at co-founder ng Political DIVAS, isang support group para sa BIPOC na mga kababaihan sa pulitika.

Kapag hindi siya nagtatrabaho sa city hall, pinapatakbo niya ang Coconut Collective, isang Filipinx-owned initiative na nakapokus sa pagbawi ng mga karanasan, kultura at tradisyong Pilipino.

Isang artikulo ni Rajah Maggay na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.

Mga Ulo ng Balita