1. Home
  2. Politika
  3. Katutubo

Halo-halo ang reaksyon sa pagbisita ni Trudeau sa Tk’emlúps te Secwe̓pemc

‘Aksyon lang ang magsasabi sa akin kung talagang siya ay nakinig,’ sabi ng Tk'emlúps te Secwe̓pemc member

Hawak sa baywang ng isang matandang babae si Justin Trudeau na napapaligiran ng mga tao.

Niyakap si Prime Minister Justin Trudeau ng isang babae sa pagtitipon sa labas ng dating Kamloops Indian Residential School noong Lunes.

Litrato:  CBC / Ben Nelms

RCI

Nang magsalita si Ashley Michel sa mikropono noong Lunes ng hapon sa powwow arbor ng Tk'emlúps te Secwe̓pemc Nation, tumigil siya at pinigilan ang pagluha.

Ang 30 anyos ay huminga ng malalim, ibinaba ang kanyang face mask at hinarap si Prime Minister Justin Trudeau.

Mr. Trudeau, marami akong gustong sabihin, ngunit hindi mo ako kilala, aniya, na nagbabasa mula sa kanyang inihandang notes. Ang boses ko ay bahagyang nanginginig… ngunit kailangan mong makinig at nais kong marinig mo ang boses ko.

Si Michel na nakatayo sa tabi ng kanyang pitong taong gulang na anak na babae, si Aveah, ay ibinahagi ang sakit na kanyang nararamdaman para sa mga inang nawalan ng mga anak sa Kamloops Indian Residential School, kung saan nadiskubre (bagong window) ang unmarked graves noong tagsibol, at tinuligsa ang mapanirang pamana ng assimilation.

Nagdadalamhati ako para sa aming lengguwahe, kultura, tradisyon na desperado kong sinusubukang ibalik at ituro sa aking anak bago mahuli ang lahat, aniya.

Si Trudeau, na nakaupo sa entablado na may orange t-shirt pin sa kanyang suit jacket, ay nakinig sa testimonya ng mga miyembro ng komunidad sa loob ng mahigit apat na oras, kasama ang mga kuwento mula sa residential school survivors.

Ang event ay isang parusa para sa pagkakamali ng prime minister na ilang ulit humingi ng tawad noong Lunes dahil hindi sinagot ang imbitasyon ng Tk'emlúps te Secwe̓pemc na sumama sa kanila sa unang National Day for Truth and Reconciliation noong Setyembre.

Hinarap ni Trudeau ang matatalim na salita ni Kukpi7 (Chief) Rosanne Casimir na binalikan ang "gulat, galit, lungkot at disbelief" na naramdaman ng komunidad nang malaman na nagbakasyon si Trudeau kasama ang pamilya sa Tofino, British Columbia noong araw na iyon.

Ang event ay isa ring pagkakataon para kay Trudeau na makipagbati sa First Nation. Sa kanyang closing remarks, binanggit niya ang pangalan ni Michel.

Hindi ko inaasahan iyon, ani Michel sa isang interbyu pagkatapos ng seremonya. Pinapahalagahan ko ito at naramdaman ko naman na ako'y pinakinggan. Ngunit aksyon lang ang magsasabi sa akin kung siya ay talagang nakinig.

‘Wala masyadong pangako ang natupad sa buhay ko’

Ang maingat na optimismo na iyon ay inulit din ng ilan sa dumalo sa seremonya.

Pumunta si Leona Hammerton, isang 66 anyos na miyembro ng Adams Lake Indian Band sa Chase, British Columbia, ng isang pribadong community meeting kay Trudeau noong umagang iyon kung saan nakipag-usap siya ng one-on-one sa mga miyembro at binisita ang unmarked burial site.

Sinabi ni Hammerton na mukhang mapagkumbaba at sinsero si Trudeau.

Ngunit narinig ko na ang mga pangako, aniya. “Bilang katutubo, wala masyadong pangako ang natupad sa buhay ko.”

Sinabi ni Hammerton na dapat daw ay sinamahan ang prime minister ng kanyang asawa, si Sophie Grégoire-Trudeau. Sa halip, kasama niya ang kanyang security at staff, na kasama ang media, ay tila mas marami pa kaysa sa mga taong dumalo na magkakahiwalay na nakaupo sa bleachers.

Sinabi ni Steve Basil ng Bonaparte First Nation na ang lebel ng ganitong seguridad ay hindi kailangan.

Pinupulis namin ang aming sarili sa magalang na paraan, sa marangal na paraan, ani Basil, 67. Walang nasaktan sa sinumang dignitary na pumunta sa aming teritoryo.

Binigyang-diin ni Basil na may galit sa komunidad, ngunit madami ang piniling lumayo sa event upang lumiit ang grupo ng tao sa panahon ng pandemya.

Ang maliit na grupong ito ang nagpahintulot sa mga sandali ng tahimik na pagdadalamhati. Habang nagbibigay ng talumpati si Trudeau, dalawang batang babae na nakaupo sa damuhan ang umalo sa isang matandang babae na lumuluha.

Nakahalo sa frustration at optimismo ang kagustuhan nila na magpatawad. Sinabi ni Kim Coltman, isang 61 anyos na residente ng Kamloops na isang Métis, na nagpapasalamat siya sa paghingi ni Trudeau ng tawad na hindi niya inaasahan.

Sa palagay ko sa hinaharap, kung hindi natin tatanggapin ang apology, hindi tayo makaka-move forward. Mapapako tayo sa mismong kinaroroonan natin, aniya.

Si Coltman na nagpapatakbo ng Kamloops-based fashion agency at ilang dekada ng sinubukang magdala ng atensyon sa unmarked burial sites ay umaasa na ang pagpunta ni Trudeau ay mauuwi sa mas kongkretong aksyon.

Ang mga hiling ng Nasyon

Nilatag ni Casimir ang mga hiling ng Tk'emlúps te Secwe̓pemc Nation sa kanyang pagpupulong kay Trudeau. Nanawagan siya na pondohan ng gobyerno ng Canada ang bagong healing centre sa Kamloops para sa survivors ng residential school, tulong upang i-survey pa ang unmarked burial sites at magkaroon ng full access sa student attendance records ng residential schools.

Habang hindi nangako si Trudeau ng bagong pondo, sinabi ni Casimir na ang direktang pagsasalita niya sa komunidad ay importante sa paghilom ng relasyon.

Lahat tayo kailangan ariin ang ating pagkakamali, aniya pagkatapos ng seremonya. Nasa sa atin bilang indibidwal ang gumawa ng hakbang upang itama iyon. At sa palagay ko magandang hakbang ang naganap ngayong araw.

Isang artikulo ni Alex Migdal (bagong window) na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.

Mga Ulo ng Balita