1. Home
  2. Politika
  3. Pangprobinsiyang Politika / Provincial Politics

Quebec ipinagpaliban ang sapilitang pagbabakuna ng health-care workers hanggang Nov. 15

‘Ang panganib ngayon ay masyadong mataas,’ sabi ng health minister ng Quebec

Nasa podium si Christian Dubé at nasa likod niya ang watawat ng Quebec.

Christian Dubé, ang health minister ng Quebec. (Archives)

Litrato: La Presse canadienne / Jacques Boissinot

RCI

Matapos ang maraming linggo ng pamimilit ng Quebec na magpatupad ng sapilitang pagbabakuna para sa health-care workers at suspendihin ng walang bayad ang mga susuway rito, inurong ng health minister ng probinsya na si Christian Dubé ang panukala. Binigyan niya ng isa pang buwan ang mga workers upang kumpletuhin ang kanilang bakuna.

Ang mga health-care workers ay mayroon hanggang Nobyembre 15 upang magpabakuna. Ang orihinal na deadline ay sa Biyernes.

Sinabi ni Dubé na 96 per cent ng mga health workers ang naturukan na ng isang vaccine dose, ngunit 21,900 workers ang hindi pa fully vaccinated. Hindi raw kakayanin ng health system ang mawalan ng ganung karaming staff.

Sinabi niya na ang desisyon na ipagpaliban ang vaccination deadline para sa health-care workers ay mahirap, ngunit kinakailangan upang maiwasan ang punto na hindi na makakapagbigay ng serbisyo ang health-care workers sa mga taga-Quebec.

Mayroon akong responsibilidad na protektahan ang health-care network ng mga taga-Quebec, ani Dubé sa isang news conference ngayong Miyerkules. “Ang panganib ngayon ay masyadong mataas at iresponsable ang ilagay sa peligro ang kalusugan ng mga taga-Quebec.”

Samantala, simula Lunes, ang staff na hindi pa fully vaccinated ay dapat sumailalim sa minimum na tatlong COVID-19 screening tests kada linggo. Ang hakbang na ito ay ipinapatupad na sa public network, ngunit mag-a-apply na rin sa private facilities.

Ang lahat ng bagong hires sa health network ay dapat fully vaccinated, dagdag pa ni Dubé.

Ang desisyon na ito ay napaka-frustrating para sa mga health-care workers na bakunado na. Frustrating din ito at shocking para sa mga gumagamit ng network na gusto ng ligtas na environment, ani Dubé.

Gusto nating i-apply ang mandatory vaccinations para sa health-care workers, ngunit hindi dapat isakripisyo ang ating abilidad na gamutin ang mga mamamayan.

Kapansin-pansin na nag-iba ang tono ni Dubé sa nakaraang 24 oras kung saan nanindigan siya na itutuloy ang deadline sa Biyernes. Iginiit niya na walang nagbago sa plano ng gobyerno na ipatupad ang sapilitang pagbabakuna.

Sa news conference ngayong Miyerkules kasama ang associate deputy health minister ng Quebec na si Dr. Lucie Opatrny, sinabi ni Dubé na sa ilalim ng mga pangyayaring ito, ang pagpapaliban sa 30 araw na deadline ang pinakamagandang solusyon upang siguraduhin ang patuloy na pagbibigay ng mga serbisyo at hindi madagdagan ang pressure sa ating health network, lalo na sa mga staff.

Sinabi ni Opatrny na ang 35 operating rooms at 600 hospital beds sa probinsya ang maaaring nagsara kung natuloy ang Friday deadline.

Isang artikulo ng CBC News na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.

Mga Ulo ng Balita