1. Home
  2. Kalusugan
  3. Pangangalaga at Paggamot

Drone naghatid ng baga para sa transplant sa isang ospital sa Toronto, ang una sa mundo

Ang unmanned drone journey ay naganap sa loob ng anim na minuto

Lumilipad na drone at nasa likod nito ang CN Tower.

Ang University Health Network at Unither Bioélectronique ay nakumpleto ang kauna-unahang transplant ng baga sa mundo na hinatid ng isang drone.

Litrato: La Presse canadienne / Unither Bioélectronique-Jason van Bruggen

RCI

Sinabi ng University Health Network (UHN) at Unither Bioelectronique na nakumpleto nila ang kauna-unahang transplant ng baga na hinatid ng isang unmanned drone.

Ang health-care group sa Toronto at ang bioengineering na kompanya sa Bromont, Quebec ay sinabi na ang drone na may dalang mga baga ay lumipad mula Toronto Western Hospital papuntang Toronto General Hospital noong Setyembre 25.

Ang paglalakbay ay naganap sa loob ng anim na minuto at nakumpleto ala-una ng madaling araw sa lokal na oras.

Sinabi ni University Health Network surgeon-in-chief Dr. Shaf Keshavjee na ang tumanggap ng mga baga ay isang lalaki na inhenyero na may interes sa mga drones. Ang kanyang transplant ay naging matagumpay.

Sinabi ng Unither Bioelectronique na pinili nila ang Toronto General Hospital na maging bahagi ng makasaysayang sandali dahil dito nakumpleto ang kauna-unahang lung transplant sa mundo noong 1983 at ang kauna-unahang double lung transplant noong 1986.

Ang paghahatid sa baga ay naganap habang ang mga tech companies ay nakikipag-unahan para mag-deliver ng mga organs sa pamamagitan ng drone matapos maging matagumpay ang ilang firms sa Estados Unidos na maghatid ng mga kidney, cornea at pancreas.

Isang artikulo ng The Canadian Press na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.

Mga Ulo ng Balita