1. Home
  2. Pandaigdig
  3. International Politics

Boxer-senator Manny Pacquiao tatakbo sa pagkapangulo ng Pilipinas

‘Mananatili akong fighter sa loob at labas ng ring,’ ani Pacquiao sa kanyang talumpati

Nasa loob ng boxing ring si Manny Pacquiao at nakataas ang dalawang kamay.

Manny Pacquiao kumaway sa mga fans matapos matalo ni Yordenis Ugas sa laban para sa WBA welterweight title noong Agosto 21 sa Las Vegas.

Litrato: Getty Images / Ethan Miller

RCI

Ang boxing icon ng Pilipinas at senador na si Manny Pacquiao at tatakbo sa pagkapangulo sa 2022 na halalan.

Tinanggap ni Pacquiao ang nominasyon ng PDP-Laban party sa national convention nito noong Linggo at sinabi na ang sambayanan ay naghihintay ng pagbabago sa gobyerno.

Ako ay isang fighter at mananatili akong fighter sa loob at labas ng ring, ani Pacquiao, 42, sa kanyang talumpati.

Kailangan natin ng isang gobyerno na magsisilbi sa mga tao ng may integridad, compassion at transparency, aniya.

Si Pacquiao ang presidente ng paksyon ng PDP-Laban na pinamumunuan niya at ni Sen. Aquilino Koko Pimentel III.

Ang isa pang paksyon ng parehong partido ay hinirang si President Rodrigo Duterte na pambato bilang bise presidente at ang dati niyang aide na si Sen. Bong Go bilang pangulo.

Si Duterte, na pinagbabawalan ng konstitusyon na tumakbo muli para sa pangalawang anim na taong termino, ay tinanggap ang nominasyon ngunit si Go ay tumanggi.

Pinamunuan ni Duterte ang isang brutal na kampanya laban sa iligal na droga at sinabi noong nakaraang linggo na "mamamatay muna" siya bago humarap sa international tribunal isang araw matapos ianunsyo ng International Criminal Court na iimbestigahan nila ang alegasyon ng crimes against humanity kaugnay ng crackdown na libo-libo ang namatay.

Inakusahan ni Pacquiao ang administrasyong Duterte, na dati niyang kakampi, na pinalala ang korapsyon sa Pilipinas.

Handang labanan ang kahirapan at korapsyon

Sa mga kritiko na kumukwestiyon sa kanyang qualifications, sinabi ng sikat na boksingero na ang kanyang personal na karanasan ukol sa kahirapan ay mas makakatulong sa kanya upang maintindihan ang pagdurusa ng mga tao - at labanan ang kahirapan at korapsyon.

Buong buhay ko, hindi pa ako umaatras sa kahit anong laban, ani Pacquiao.

Binalaan niya ang mga pulitiko na responsable sa korapsyon na magsasama-sama lahat sa kulungan.

Sinabi ng kalaban na paksyon na sumusuporta kay Duterte na maghahain sila ng petisyon sa Commission on Elections upang ideklara si Pacquiao at ang kanyang mga kaalyado na mga iligal na opisyal ng ruling party.

Isang artikulo ng The Associated Press na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.

Mga Ulo ng Balita