1. Home
  2. Kalusugan
  3. Coronavirus

Mas maraming Albertans ang nasa ICU na may COVID-19 kaysa dati - mas lalala pa raw ito

'Nasa gitna tayo ng isang disaster,’ sabi ng isa sa 67 physicians na nakiusap sa probinsya para umaksyon

Mga health-care workers na nasa loob ng ICU kasama ang isang pasyente na nakahiga sa hospital bed.

Inaalagaan ng mga health-care workers ang ICU COVID-19 patient sa Peter Lougheed Centre sa Calgary, Alberta sa file photo na ito noong Nov. 14, 2020.

Litrato: Leah Hennel

RCI

Ang fourth wave ng COVID-19 sa Alberta ang naglagay ng pinakamabigat na pasanin sa health-care system nito. Halos 200 pasyente ang nasa intensive care units at ipinapakita ng internal modelling na ang sitwasyon ay lalong lalala sa mga darating na linggo.

Ang modelling ng Alberta Health Services (AHS) na nakuha ng CBC News ay sina-suggest na pagsapit ng Oktubre, maaaring dumami ng hanggang 365 na pasyente ang mangangailangan ng isa sa kasalukuyang 286 ICU beds ng probinsya.

Ito ay mangyayari sa ilalim ng high o worst-case scenario ng model. Ang mid scenario ay nilalagay ang bilang ng pasyente sa 280; ang low sa 191. Ang bilang ng mga ICU beds ay puwede ring magbago.

Tinataasan na ng Alberta Health Services ang kapasidad para matugunan ang forecast at ang potensyal na mas mataas na demand dahil sa COVID-19, ani Alberta Health Services spokesperson Kerry Williamson.

Seryoso ang kasalukuyang sitwasyon at kami ay labis na nangangamba ukol sa mabilis na pag-akyat ng hospitalization at ICU numbers.

Sinabi ng mga doktor na ang health-care system ay nahihirapan na sa bigat ng kasalukuyang ICU demands.

Ang mga ospital sa Alberta ay nasa bingit na ng pagbagsak, ani Dr. Ilan Schwartz, isang physician at assistant professor sa dibisyon ng infectious diseases sa University of Alberta.

Sa tingin ko importante na malaman ng mga Albertans kung gaano na kalalim ang sakunang ito. Hindi lang ito isang bagay na pino-project namin. Ito ay isang bagay na maaaring mangyari na. Nasa gitna tayo ng isang disaster.

Isa si Schwartz sa 67 infectious disease physician na pumirma ng open letter para kay Alberta Premier Jason Kenney noong Lunes. Nananawagan sila ng mas malakas na aksyon upang pigilan ang pagkalat ng COVID-19, partikular sa mga hindi bakunado na higpitan ang access sa non-essential public, indoor spaces.

Ang measure na ito ay kaagad na babawasan ang bagong infections, na magpapagaan sa pressure sa mga ospital, habang maiiwasan ang malawakang lockdowns, ngayon at sa hinaharap, sulat ng mga physicians.

Ilang beses tinanggihan ni Kenney ang panawagan ukol sa vaccination requirements na lalong nagiging karaniwan sa ibang probinsya pagdating sa pag-access ng bars, restaurants, gyms at iba pang public venues.

Humiling ang CBC News ng komento mula sa opisina ng premier ukol sa liham ng mga physicians. Sa isang tugon, nagbigay ang Alberta Health ng link sa isang YouTube video (bagong window) kung saan tinalakay ni Health Minister Tyler Shandro ang vaccine mandates sa isang news conference noong nakaraang linggo.

Ang eksaktong bilang ng mga COVID-19 na pasyente sa ICU ay nagbabago-bago oras oras.

Sinabi ng Alberta Health noong Lunes ng hapon na may 198, mas marami kaysa sa 182 na naitala noong Mayo sa gitna ng third wave ng pandemya.

Sinabi ng Alberta Health Services - ang ahensiya na nangangasiwa ng health care sa probinsya - na nitong Lunes mayroong 202.

Ang health-care system ng Alberta ay binubuo ng 173 general, adult ICU beds. Ngunit ang totoong kapasidad ay pinalaki at lumiit sa panahon ng pandemya.

Sinabi ng Alberta Health Services noong Lunes na may dagdag 113 ICU spaces na available, kaya ang total ngayon ay nasa 286.

Ang mga beds na ito ay hindi lang para gamutin ang COVID-19 patients ngunit kabilang din ang mga taong may iba’t ibang uri ng karamdaman, injuries at post-surgery complications. Sa kabuuan, sinabi ng Alberta Health Servicesna mayroong 256 na pasyente sa ICU noong Lunes.

Ang kinahinatnan ng pagpapalawak ng ICU

Bagama’t mas maraming espasyo sa ICU ang naging available, sinabi ng mga physicians na ang staffing para sa dagdag na beds ay isa ring hamon.

Ayon kay Dr. Erika MacIntyre, presidente ng Edmonton Zone Medical Staff Association, ang ICU projections ay nakakabahala dahil ang staff ay pagod na pagod na.

Nauubusan na tayo ng ICU nurses at mga respiratory therapists, aniya.

Tapos na sila; na-burn out na sila, sabi niya tungkol sa nurses. Nagtrabaho sila araw-araw ngayong summer at fourth wave na, hindi ito ang unang beses na nangyari ito.

Sinabi ni MacIntyre na dati may isang ICU nurse ang bawat pasyente. Ngayon, may isa para sa tatlong pasyente.

Ang ibig sabihin nito ay… may pagbabawas sa services, ani MacIntyre.

PANOORIN | Elective surgeries na-postpone:

Ang mga staff ay kailangang dagdagan sa pamamagitan ng pagtawag ng mga doktor at nurse na hindi espesyalista sa intensive care.

Nai-imagine mo ba kung hindi ka sinanay sa isang trabaho, mahirap itong gawin, ani Dr. Joe Vipond, isang emergency physician sa Calgary. Magsa-suffer ang quality.

Kanseladong surgeries

Ang paglilipat ng mga resources ang dahilan ng reduced levels ng care at kanseladong surgeries para sa mga pasyente na walang COVID-19.

Ang mga taga-Alberta na naghihintay ng procedures tulad ng kidney transplant at brain cancer operations ay naranasan na makansela ang kanilang surgeries.

Sinabi ng Alberta Health Services noong Lunes na lahat ng elective surgeries at karamihan sa outpatient procedures (bagong window) sa Calgary ay mapo-postpone muli ngayong linggo dahil ang staff ay ililipat sa intensive care duties.

Sa kasagsagan ng pinakamalaking COVID-19 wave ngayong taon, ang mga ICU sa Manitoba ay na-overwhelm at ang mga pasyente ay kinailangan na ilipad sa ibang probinsya (bagong window).

Nag-aalala si Schwartz na malapit ng harapin ng Alberta ang parehong sitwasyon.

Nasa kalagitnaan na kami ng hindi pagtanggap ng mga pasyente sa ICU, aniya.

Ito ang ibig namin sabihin kapag nagsasalita kami tungkol sa pagbagsak ng health care. Pinag-uusapan natin dito ang pag-e-evacuate sa mga may sakit na pasyente palabas ng probinsya.

Binigyang-diin ni Vipond na ang mga kapitbahay na probinsya ng Alberta - ang British Columbia at Saskatchewan - ay nakikipaglaban din sa pag-surge ng COVID-19 at ang kanilang ICU capacities ay maaaring limitado.

Ang resulta, aniya, ay ang pagrarasyon ng intensive care para sa mga taong mas kailangan ito.

Sa tingin ko ang katotohanan ay mauuwi tayo sa triage, aniya. At titingnan natin ang mga maiiwasang pagkamatay na mangyayari sa susunod na mga linggo sa Alberta.

Isang artikulo ni Robson Fletcher (bagong window), CBC News na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.

Mga Ulo ng Balita